LETTERS TO JOSE MARIA SISON |
|
Ika-15 ng Disyembre, 2003 Prof. Jose Ma. Sison Kasama, Pagbati ng pakikiisa! Sa ngalan ng BAYAN-Gitnang Luson, sampu ng mga kaalyadong organisasyon nito, kami ay labis na nagpapasalamat sa inyong pinaabot na liham ng pakikiisa sa aming ika-limang Kongreso nitong ika-4-5 ng Disyembre. Nagsilbing inspirasyon ito sa amin at nakatulong na magbigay sa amin ng malalim na pagtanaw sa pakikibakang masa sa rehiyon at ang mahalagang papel at ambag nito sa kilusan sa buong balangkas ng pagpapalaya sa mamamayan. Lubos naming kinatutuwang ibinabalita na naging matagumpay ang nasabing kongreso na nilahukan ng mahigit sa 120 delegado na nagbuhat sa iba’t-ibang bahagi ng Gitnang Luson kasama na rin ang lalawigan ng Pangasinan. Nakapagbuo ng tatlong taong programa ng pagkilos na ang pangunahing tutok ay, una, kaugnay sa tumitinding atake ng Imperyalismo sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ng bansa, ikalawa, ang pagbabasura sa rehimen ni Gng. Arroyo bilang siyang pinakasagadsarin na tuta ng Imperyalismo at ang di na muling pagkakaluklok nito sa poder at ikatlo, ang pagpapalakas pang lalo ng organisasyon ng BAYAN-GL para sa muling pagharap nito sa mga hamon ng pakikibaka. Naibuo at napagpasyahan din ang limang taong pagtatasa ng rehiyon. Sa buo ay may isang antas na iniunlad ang organisasyon bagamat may ilang dapat pa rin na kumpunihin at ayusin. Mapagpasya ring nailantad at naihiwalay ang mga grupong nagtangka na sumira sa BAYAN-GL, mga grupo na pinamunuan ng mga nagpaksyon noong 1997, sa ngayon sila ay mga maliliit na grupo na lamang at ganap ng nakipagka-isa sa iba pang grupito at gumagampan bilang mga espesyal na ahente ng estado at Imperyalismo para siraan ang kilusan. Ang nakaraang Kongreso ay magsisilbing isang malaking ambag para sa konsolidasyon at pag-usad ng pakikibakang masa sa rehiyon. Umaasam kami na sa susunod na mga taong darating ay ganap na napangibabawan na ng organisasyon ang ilang mga natukoy na kahinaan nito para mas lalong makapamuno sa masa ng sambayanan. Muli, kami ay lubos na nagpapasalamat sa panahon na ibinigay ninyo sa amin sa gitna na inyong maraming mga kaabalahan.
Hanggang sa muli at MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!
Para sa bayan,
ROMAN L. POLINTAN Tagapangulo |
|