Ang Gerilya ay Tulad ng Makata
Ni Jose Maria Sison
Ang gerilya ay tulad ng makata
Matalas sa kaluskos ng mga dahon
Sa pagkabali ng mga sanga
Sa mga onda ng ilog
Sa amoy ng apoy
At sa abo ng paglisan.
Ang gerilya ay tulad ng makata
Nakasanib sa mga puno
Sa mga palumpong at rokas
Nakakaalangan subalit tumpak
Bihasa sa batas ng paggalaw
Pantas sa laksang larawan.
Ang gerilya’y tulad ng makata
Karima ng kalikasan
Ng sutlang ritmo ng kaluntian
Tahimik sa loob, musmos sa malas
Aserong tibay ng loob na panatag
Na sumisilo sa kaaway.
Ang gerilya ay tulad ng makata
Sabay sa luntiang, kayumangging masa
Palumpong na pinaliliyab ng pulang bulaklak
Na nagkokorona at nagpapaalab sa lahat,
Dumadagsa sa kalupaan tulad ng baha
Dumadaloy sa wakas laban sa kuta
Walang hanggang kilusan ng masa,
Masdan ang matagalang tema
Ng epikong bayan, ng digmang bayan.
(1968)